Photo courtesy of Quezon PDRRMO
Inihain sa Kamara ang panukalang Magna Carta for Public Disaster Risk Reduction and Management (DRRM) Workers na layong palakasin ang proteksiyon at benepisyo ng mga disaster responder sa bansa.
Ayon kay Marikina 1st District Representative Marcy Teodoro na panahon nang kilalanin sa pamamagitan ng batas ang sakripisyo ng mga DRRM personnel na nangunguna sa pagtugon sa mga kalamidad at iba pang emergency.
Sa ilalim ng House Bill No. 10553 gagawing propesyonal ang hanay ng mga DRRM worker sa pamamagitan ng pamantayan sa recruitment, pagsasanay, promotion, at patuloy na paglinang ng kanilang kakayahan.
Bahagi rin nito ang security of tenure, standardized career development, at pagkakaloob ng hazard, transportation, communication, subsistence, rice subsidy, at longevity allowances.
Nakapaloob din sa panukala ang overtime pay, night shift differential, health at insurance benefits, personal protective equipment, at legal assistance habang ginagampanan ng mga responder ang kanilang tungkulin.
Ayon pa kay Teodoro, ang pamumuhunan sa kapakanan ng mga DRRM worker ay pamumuhunan din sa kaligtasan at katatagan ng mga komunidad.
“Every typhoon, flood, earthquake, fire, and other emergencies remind us that our DRRM workers are among the country’s true modern-day heroes. They deserve not only our gratitude but concrete legal protection, decent compensation, career development, and security of tenure,” saad ni Teodoro.