Tumanggap ng ₱2,000 tulong-pinansyal ang nasa 998 benepisyaryo sa Guinobatan, Albay matapos ang isinagawang pamamahagi ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) Bicol sa Barangay Ilawod Covered Court noong August 4, 2026.
Ayon kay DSWD Bicol Social Welfare Officer II Ronnalyn L. Aguilar mula sa Protective Services Division, ang naturang tulong pinansyal sa ilalim ng Unified Package for Livelihoods, Industry, Food and Transport (UPLIFT) Program na inisyatiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ay naglalayong suportahan ang mga poor, near-poor, at below minimum wage earners na labis na naapektuhan ng inflation at krisis na dulot ng tensyon sa Middle East.
Tinatayang 954 na households mula sa 22 barangay ang nakatakdang tumanggap sa payout venue habang ang mga benepisyaryo naman ng Walang Gutom at 4Ps Program ay direktang ididirekta sa kanilang mga bank account ang nasabing ayuda upang maiwasan ang pagsisiksikan at mahabang pila.
Upang maging kwalipikado, binigyang-diin ng opisyal na kinakailangang nakatala sa Community-Based Monitoring System (CBMS) bilang household head o household member ang benepisyaryo at magprisinta ng mga tinatanggap na valid ID tulad ng National ID, PhilHealth, UMID, o Voter’s ID.
Pinaalalahanan din ng ahensya ang mga benepisyaryo na sumunod sa nakatakdang iskedyul at kumpletuhin ang mga kinakailangang dokumento para sa mabilis at maayos na proseso ng pamamahagi.