Tiniyak ng Malacañang nitong Martes na ang tulong at mga proyekto sa ilalim ng Local Government Support Fund (LGSF)—isang pangunahing programa ng pamahalaan sa ilalim ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.—ay nakalaan para sa lahat ng local government units (LGUs) sa buong bansa nang walang pinipiling kaanib sa politika.
Sa isang press briefing sa Palasyo, binigyang-diin ni Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na maging si Naga City Mayor Leni Robredo ay mismong nakasaksi at nagpatunay na ang LGSF ay naipamamahagi sa mga komunidad nang walang diskriminasyon.
“Ito po ay nabanggit din ni Mayor Leni Robredo ng Naga City na siya mismo ang nakakita at isa siya sa testigo na magsasabi na ang LGSF ay pangkalahatan, walang pinipiling kulay ito, walang pinipiling bayan, walang pinipiling lugar. Lahat ng barangay, lahat ng local government units ay mabibiyayaan ng LGSF,” pahayag ni Castro.
Hinimok ng opisyal ang publiko na makipag-ugnayan sa kanilang mga lokal na pinuno ukol sa pamamahagi ng LGSF, partikular na ang probisyon ng 10-kilogramong ayuda sa kanin na nakalaan para sa mga kwalipikadong benepisyaryo. Sa ilalim ng nasabing programa, ang mga mahihirap na sektor—kabilang ang mga low-income earner, senior citizen, at solo parent—ay nakatatanggap ng 10 kilo ng bigas bawat dalawang buwan.
Kasabay nito, nagbabala rin si Castro sa mga lokal na opisyal laban sa pananamantala sa kanilang mga nasasakupan matapos makatanggap ng mga ulat na may ilang benepisyaryo na nakatanggap ng bigas na kulang sa tamang timbang.
“Kapag may ganyan na nangyari, ipagbigay-alam niyo lang sa amin dahil kami mismo ang magka-call out, sisita sa mga ganitong klaseng pananamantala,” wika ni Castro.
Ipinaalala rin ng Palasyo na walang anumang bayad ang pagtanggap ng tulong mula sa pamahalaan.
“Kapag kayo ay sinabihan na kailangan magbayad kayo para makatanggap ng ayuda mula sa pamahalaan, wala pong bayad ni singko, so huwag po kayo magpapaloko,” dagdag pa niya. “Kapag kayo ay duda at mayroon kayong nararamdaman na panloloko, ipagbigay-alam niyo lang po sa amin ito para ito ay matugunan namin nang mabilisan.”
Ayon sa naunang pahayag ni Pangulong Marcos, mula sa humigit-kumulang 2,000 LGUs sa buong bansa, nasa 1,276 na ang nakatanggap ng ayuda sa ilalim ng programang LGSF. ###