Humihingi ng dayalogo sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang mga motorcycle taxi rider upang maiparating ang kanilang mga hinaing.
Ayon kay Renato Embiado, chairman ng Nexus Riders Alliance, nais nilang repasuhin ang ilang probisyon ng memorandum na nagtatakda ng limitasyon o cap sa bilang ng mga rider na maaaring bumiyahe sa bawat platform.
Iginiit ng grupo na posibleng mawalan ng kabuhayan ang libo-libong rider dahil sa naturang limitasyon.
Anila, dapat payagan ang lahat ng kwalipikadong aplikante na makapasok sa serbisyo.
Sa isang platform, sinabi ni Embiado na nasa 15,000 lamang ang itinakdang cap, ngunit mas marami pa ang maaaring maapektuhan dahil hindi naman sabay-sabay na bumibiyahe ang lahat ng rider. Bukod dito, hiniling din ng grupo ang pagtaas ng base fare at ang agarang pakikipagdayalogo sa LTFRB upang makabuo ng konkretong solusyon sa kanilang mga hinaing.