Sinimulan na ng House Committee on Energy ang pagtalakay sa mga panukala na layong tuluyan nang alisin ang systems loss charge, alinsunod sa panawagan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa kaniyang ikalimang SONA.
Ayon kay Palawan Rep. Jose Alvarez, chair ng komite, ipinatawag nila ang mga kinatawan ng energy sector at consumer upang maayos na makabuo ng angkop na panukala.
Dito, inihayag ni Department of Energy (DOE) Secretary Sharon Garin na nagsasagawa na sila ng komprehensibong pag-aaral kaugnay ng panukalang alisin ang systems loss na ipinapasa sa mga konsyumer sa kanilang singil sa kuryente.
Paliwanag niya kailangang pag-ibahin ang technical losses na dulot ng pisikal na pagkawala ng kuryente sa transmission at distribution system, at ang non-technical losses na bunga ng ilegal na koneksyon, pagnanakaw ng kuryente at iba pang maiiwasang pagkalugi.
Sinabi ni Garin na bagama’t maaaring mabawasan o tuluyang maalis ang systems loss, mangangailangan ito ng malaking puhunan sa modernisasyon ng mga pasilidad, mas mahigpit na pagpapatupad ng anti-electricity pilferage law, at koordinasyon ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan.
Kaya maigi rin na magkaroon aniya ng inigyang-diin din niya ng cost-benefit analysis upang matiyak na hindi naman tataas ang iba pang singil sa kuryente o malagay sa alanganin ang operasyon ng mga electric cooperative.
Sa kasalukuyan, nagsagawa aniya ang ahensya ng technical working group kasama ang National Electrification Administration, Energy Regulatory Commission, mga electric cooperative at pribadong distribution utilities upang alamin ang gastos at epekto ng tuluyang pag-aalis ng systems loss.
Binigyan naman ng komite ang DOE ng hanggang sa susunod na linggo para isumite ang resulta ng pag-aaral.
Ani Alvarez, target nilang maplantsa ang panukalang batas bago matapos ang buwan. | ulat ni Kathleen Forbes