Suportado ng National Electrification Administration (NEA) sa panukalang alisin ang systems loss sa singil sa kuryente.
Gayunman nilinaw ni NEA Administrator Antonio Mariano “Nani” Almeda sa harap ng House Committee on Energy na dapat itong tumukoy lamang sa non-technical losses tulad ng ilegal na koneksyon at pagnanakaw ng kuryente.
Hiniling din ng NEA na isama sa panukalang batas ang suporta sa ahensya upang mapalakas ang kampanya laban sa electricity pilferage at mapanatiling matatag ang operasyon ng mga electric cooperative.
Pagbibida ni Almeda, nagpatupad na ng insiyatiba ang ahensya upang mabawasan ang non-technical losses sa mga electric cooperative na lumalagpas sa itinakdang systems loss cap ng Energy Regulatory Commission (ERC).
Gamit aniya ang analytics-driven anti-electricity pilferage program na ipinatupad sa Zamboanga City Electric Cooperative (ZAMCELCO) noong Agosto ng nakaraang taon, bumaba ang systems loss nito mula 20 porsiyento noong Enero 2026 hanggang 14 porsiyento pagsapit ng Hunyo 2026.
Babala naman ng opisyal na kung ipaaako rin sa mga electric cooperative ang lahat ng technical losses, maaaring hindi nila kayaning bayaran nang buo ang mga power supplier na posibleng magdulot ng pagkakautang at makaapekto sa suplay ng kuryente.
Sinabi rin ni Almeda na bagamat hindi maaalis ang technical loss ay maaari naman itong mabawasan. | ulat ni Kathleen Forbes