Nagbabala si Senate President Pro Tempore Vicente Sotto III sa ilang probisyon ng Senate Bill No. 2090 na naglalayong ipawalang-bisa ang Republic Act No. 7941 o ang Party-list System Act at palakasin ang sistema ng party-list upang matiyak ang mas maayos na representasyon sa Mababang Kapulungan ng Kongreso.
Sa interpellation para sa panukala, kinuwestiyon ni Sotto ang probisyon na naglalaan ng 50 percent ng mga party-list seat para sa mga national at regional political party-list organizations.
Ayon kay Sotto, maaaring magbukas ang naturang probisyon sa pang-aabuso at mailihis ang mga party-list seat mula sa mga sektor na tunay na kulang sa representasyon.
Pangamba ng senador, posibleng mapahina nito ang orihinal na layunin ng mga bumalangkas ng Konstitusyon na bigyan ng boses sa Kongreso ang mga marginalized at underrepresented sectors.
Hinimok din ni Sotto na huwag nang isama sa Party-List Reform Act ang mga probisyon laban sa political dynasty.
Aniya, mas nararapat itong tugunan sa pamamagitan ng hiwalay na batas upang maiwasan ang posibleng isyung konstitusyonal.
Iginiit ng mambabatas na kinakailangang makabuo ang Kongreso ng isang batas na malinaw at madaling maipatupad nang hindi na nangangailangan ng malawak na interpretasyon. | ulat ni Nimfa Asuncion