Isinusulong ni Senate Senior Deputy Majority Leader JV Ejercito ang isang panukalang batas na layong pabilisin ang pagpapatayo ng socialized housing sa bansa sa pamamagitan ng mas maayos na pagtukoy at paggamit ng mga lupang maaaring pagtayuan ng pabahay.
Sa kanyang co-sponsorship ng Senate Bill 1992, sinabi ni Ejercito na hindi matutugunan ang matagal nang kakulangan sa pabahay kung hindi sosolusyunan ang kakulangan ng angkop na lupang maaaring gamitin para sa socialized housing.
Ayon sa senador, bagamat patuloy ang pagdami ng mga condominium at commercial developments sa bansa ay marami pa ring ordinaryong Pilipino ang walang sapat na seguridad sa pabahay.
Aniya, kailangan ng mga mahihirap na sektor ang mga pabahay na nasa angkop na lokasyon at naitatayo nang mabilis, dekalidad, at maaasahan para maging abot-kamay ang pagkakaroon ng disenteng tahanan.
Sa ilalim ng panukala, inaatasan ang mga local government unit (LGU) na regular na magsagawa ng imbentaryo ng mga lupang nasasakupan nila at tukuyin ang mga lugar na maaaring gamitin para sa socialized housing, sa pakikipag-ugnayan sa Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD), National Housing Authority (NHA), NAMRIA, at Land Management Bureau.
Inaatasan din ang mga LGU na isama ang mga natukoy na housing sites sa kanilang Comprehensive Land Use Plan.
Pinunto ng senador na nananatiling malaking hadlang ang kakulangan ng available na lupa sa pagpapabilis ng socialized housing production, lalo na sa Metro Manila.
Ayon pa kay Ejercito, hindi lamang pagtatayo ng bahay ang tinututukan ng panukala kundi ang pagpili rin ng mga ligtas na lugar na angkop tirhan, may access sa pangunahing serbisyo at hanapbuhay, at hindi delikado sa mga sakuna.
Nanawagan din ang mambabatas sa mga kaukulang ahensya ng gobyerno na pabilisin ang pagpapatupad ng mga abot-kayang proyektong pabahay para mas maraming pamilyang Pilipino ang magkaroon ng sariling tahanan. | ulat ni Nimfa Asuncion