📷 PCO
Mainit na tinanggap ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa Malacañang ang apat na bagong non-resident ambassador mula sa Kingdom of Lesotho, Dominican Republic, Republic of The Gambia, at Gabonese Republic nitong Martes.
Iprinisinta ng mga kinatawan ng apat na bansa ang kanilang letters of credence sa Pangulo sa layuning mapatibay ang diplomatic relations at bilateral ties sa Pilipinas. Ang mga bagong ambassador ay sina:
- Ambassador-Designate Retselisitsoe Theko – Kingdom of Lesotho
- Ambassador-Designate Reinaldo Rafael Espinal – Dominican Republic
- Ambassador-Designate Masanneh Nyuku Kinteh – Republic of The Gambia
- Ambassador-Designate Landry Mboumba – Gabonese Republic
Sa pagtanggap kay Ambassador Theko, sinabi ng Pangulo na pinalalawak ng Pilipinas ang kooperasyon nito sa Lesotho sa mga larangan ng edukasyon, technical training, kalusugan, skills development, kalakalan, pamumuhunan, turismo, at multilateral cooperation.
“Inaasahan kong masuri at magalugad ang mga larangang ito kasama kayo upang makahanap ng mga paraan na maglalapit sa ating mga bansa para sa kapakinabangan ng lahat,” pahayag ni Pangulong Marcos.
Binigyang-diin naman ni Ambassador Theko na parehong nakatuon ang Pilipinas at Lesotho sa pandaigdigang kooperasyon, kapayapaan, at pag-unlad ng kani-kanilang mamamayan.
Bukod sa Lesotho, ipinaabot din ng Pangulo ang kagustuhang palakasin ang ugnayan sa Republic of The Gambia, partikular sa agrikultura, edukasyon, at kalakalan. Naging positibo rin ang pagtanggap ng Palasyo sa kinatawan ng Dominican Republic at Gabonese Republic para sa mas produktibong pagsasama ng mga bansa. ###