Walang pasok ang mga kawani ng pamahalaan at mga mag-aaral at all levels sa National Capital Region (NCR) at ilang lugar sa bansa ngayong araw, August 6, bunsod ng patuloy na malalakas na pag-ulan dulot ng Tropical Storm Maymay at ng Habagat.
Ang suspensiyon sa trabaho ng mga nasa gobyerno at pasok sa paaralan ay ginawa ng Malacañang sa pamamagitan ng paglalabas ng Memorandum Circular No. 122 na nilagdaan ni Executive Secretary Ralph Recto.
Bukod sa Metro Manila ay saklaw ng inilabas na Memo Circular para sa suspensiyon ang mga lalawigan ng Ilocos Sur, La Union, Benguet, Pangasinan, Abra, Zambales, Kalinga, Mountain Province, Ifugao, Apayao, Nueva Viscaya, Tarlac, Nueva Ecija, Bataan, Pampanga, Bulacan, Rizal, Cavite, Laguna, Batangas, at Occidental Mindoro.
Kalakip naman sa Memo Circular na pinapahintulutan ang mga nasa lokal na pamahalan na magdeklara ng kanselasyon sa pasok sa trabaho at paaralan habang ipinauubaya na naman sa management ng mga nasa pribadong sektor ang pagpapasya kung magpapatupad din ng suspensiyon.
Sa kabilang dako ay magiging tuloy-tuloy naman ang operasyon ng mga ahensyang nagbibigay ng mahahalagang serbisyong pangkalusugan, pagtugon sa sakuna, at iba pang mahahalagang serbisyo.