Nilinaw ni Senate impeachment court presiding officer Francis “Chiz” Escudero nitong Miyerkules na walang conflict of interest si Atty. Michael Poa sa kanyang pagganap bilang abogado ng depensa ni Vice President Sara Duterte, sa kabila ng kanyang pagdalo sa isang pulong sa Commission on Audit (COA) noong 2023 kaugnay ng audit sa paggamit ng confidential funds.
Naitaas ang usapin sa ika-13 araw ng impeachment trial matapos maghain ng point of order si Senator-Judge Raffy Tulfo.
Tinanong kasi ni Tulfo kung hindi ba conflict of interest ang pagrepresenta ni Poa kay VP Sara sa Impeachment trial, gayong dumalo ito noon sa COA para talakayin ang audit query tungkol sa confidential funds.
Ang usapin ay nabanggit kasi sa testimonya nitong Martes ni dating COA Intelligence and Confidential Funds Audit Office (COA-ICFAO) state auditor Roderick Wamil sa pagharap nito sa impeachment court.
Ayon kay Wamil, kabilang si Poa sa mga opisyal na dumalo sa isang meeting kasama sina Office of the Vice President (OVP) chief of staff Zuleika Lopez at ibang dating COA officials..
Matatandaang si Poa ay dati ring naging undersecretary, chief of staff, at tagapagsalita ng Department of Education (DepEd)
Sa kanyang pagresolba sa isyu, sinabi ni Escudero na si Vice President Duterte lang ang respondent sa impeachment case at hindi si Poa.
Ayon kay Escudero, bagama’t nagsilbi si Poa sa OVP at DepEd, hindi siya kabilang sa mga respondent sa kaso at isa lang siya sa mga abogado ng depensa.
Dahil dito, sinabi niyang wala siyang nakikitang conflict of interest sa pagganap ni Poa bilang counsel ng bise presidente.
Humiling naman si Poa ng pagkakataong maipaliwanag ang konteksto ng naturang pulong sa COA matapos siyang mabanggit pero hindi ito pinayagan ni Escudero.
Ipinaliwanag ng presiding officer na magkakaroon ng tamang pagkakataon ang depensa na ilahad ang paliwanag nito kapag naiprisinta na ang kanilang sariling ebidensya sa paglilitis. | ulat ni Nimfa Asuncion