Inalis na ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) ang red alert sa Visayas Grid bandang alas-9:07 ng gabi.
Batay sa pinakahuling datos ng NGCP, umabot sa 2,429 megawatts ang available capacity ng Visayas Grid, habang naitala sa 2,299 megawatts ang peak demand.
Samantala, inalis na rin ng NGCP ang yellow alert sa Visayas Grid bandang alas-10:22 ng gabi. Sa pinakahuling tala nito, nasa 2,479 megawatts na ang available capacity habang bumaba sa 2,176 megawatts ang peak demand.
Nabatid na idinedeklara ang red alert kapag hindi na sapat ang suplay ng kuryente upang matugunan ang demand ng mga konsyumer at ang kinakailangang regulating requirement ng transmission grid.
Habang ang yellow alert naman ay ipinatutupad kapag hindi sapat ang operating margin upang matugunan ang contingency requirement ng transmission grid.