Tinalakay ng pamahalaan at ng Private Sector Advisory Council (PSAC) ang mga hakbang upang mapalakas ang workforce development at makalikha ng mas maraming oportunidad sa bansa, para sa mga Pilipino.
Sa ikalimang pulong ng PSAC Education and Jobs Sector Group na pinangunahan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., kabilang sa mga napag-usapan ang pagpapalawak ng artificial intelligence at digital upskilling.
Kabilang rin ang pagpapatupad ng Semiconductor and Electronics Industry Roadmap, at iba pang programang maghahanda sa mga Pilipino para sa mga trabahong kinakailangan ng makabagong ekonomiya.
Pinag-usapan din sa pulong ang mas malalim na koordinasyon ng pamahalaan, pribadong sektor at academe upang matugunan ang jobs-skills mismatch o hindi pagtutugma ng kasanayan ng mga manggagawa sa pangangailangan ng mga industriya.
Ayon sa Malacañang, layunin ng mga hakbang na ito, na mapalawak ang employment opportunities, mapaigting ang skills development, at mapalakas ang competitiveness ng bansa.
