Binigyang-diin ni House Prosecutor Joel Chua na ang pagbasura ng Korte Suprema sa mga petisyong laban sa impeachment ay nag-alis ng alinlangan at nagpapatibay na ang Senate Impeachment Court ang tamang venue para litisin si VP Sara Duterte.
Ito ang inihayag ni Chua matapos ang Day 13 ng paglilitis nang matanggap na ng prosecution panel ang opisyal na pahayag mula sa mataas na hukuman.
Ayon sa SC, “moot and academic” na ang mga petisyon dahil natapos na ang proseso sa House of Representatives at naipasa na ang Articles of Impeachment sa Senado.
Kabilang sa mga kinuwestiyon ng kampo ni VP Sara ang awtoridad at proseso ng House Committee on Justice, na tinawag pa nilang unconstitutional na “mini-trial” at “fishing expedition.”
Para kay Chua, ang naging pasya ng SC ay malaking ginhawa upang magpatuloy ang paglilitis nang walang banta ng pagpapatigil.