Pinagtibay ng Kamara sa ikatlo at huling pagbasa ang panukalang magpapalawak sa mga opsyon sa pagkuha ng lupa, pagpopondo, at pakikipagtulungan para sa mga proyektong socialized housing.
Nasa 205 na mambabatas ang bumoto pabor sa House Bill 9697 na nag-aamyenda sa ilang probisyon ng Urban Development and Housing Act upang mapabilis ang pagpapatupad ng mga programa sa pabahay.
Ayon kay House Majority Leader Sandro Marcos, makatutulong ang panukala upang magamit ang mga bakante, nakasangla, at hindi nagagamit na mga ari-arian bilang ligtas at abot-kayang pabahay para sa mas maraming Pilipino.
Pinalalawak din ng panukala ang mga paraan ng pagkuha ng lupa kabilang ang community mortgage, land swapping, land banking, joint ventures, negotiated purchase, at public-private partnerships.
Inaatasan din ang mga subdivision at condominium developers na maglaan ng bahagi ng kanilang proyekto o halaga nito para sa socialized housing, habang bibigyan naman ng prayoridad ang mga informal settler, maralita, at mga residenteng maaapektuhan ng malalaking proyektong pang-imprastraktura.
Pagtatatag din ng one-stop shop para sa permits at clearances na dapat maaprubahan sa loob ng 90-araw upang mapabilis ang pagtatayo ng mga pabahay.
Ayon kay Marcos, layunin ng panukala na gawing mas mabilis, mas praktikal, at mas epektibo ang pagtutulungan ng pamahalaan at pribadong sektor sa pagbibigay ng disenteng tahanan sa mga pamilyang Pilipino.
“Under the leadership of President Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. and Speaker Bojie Dy, we are making housing policy more responsive to the realities faced by our communities. Hindi sapat ang housing target kung mabagal ang permits, kulang ang lupa at walang malinaw na paraan para magtulungan ang national government, LGUs, at private developers,” ani House Majority Leader Marcos.