Pormal na inihayag ng Department of Economy, Planning and Development (DEPDev) ang bahagyang pagbaba ng antas ng implasyon sa bansa na naitala sa 6.2 porsyento nitong buwan ng Hulyo 2026.
Sa panayam ng Radyo Pilipinas World Service, ipinaliwanag ni DEPDev Undersecretary Rosemarie Edillon ang mga sanhi sa likod ng pagbagal ng implasyon mula sa 6.4 porsyento noong nagdaang buwan ng Hunyo.
Ayon kay Usec. Edillon, nagkaroon ng deflation o pagbaba ng presyo na nasa -5.4 porsyento sa ilang pangunahing pangangailangan ng mamamayan.
Malaki aniya ang naging ambag ng patuloy na pagbuti ng suplay sa sektor ng agrikultura, partikular na ang stabilisasyon ng suplay ng karne ng baboy na labis na naapektuhan noon ng African Swine Fever (ASF).
Binigyang-diin din ng opisyal na ang epekto ng implasyon ay nakadepende pa rin sa indibidwal na gawi sa paggasta o spending habits ng bawat mamamayan.
Inihalimbawa niya ang presyo ng alak at sigarilyo, kung saan ipinaliwanag niyang hindi mararamdaman ng isang konsyumer ang paggalaw ng presyo ng mga produktong ito kung hindi naman siya gumagamit o bumibili ng mga ito.
Kasabay nito, inilabas din ng Philippine Statistics Authority (PSA) ang pinakahuling Labor Force Survey na nagpapakita ng magandang takbo ng ekonomiya.
Umabot sa 95.1porsyento ang employment rate sa bansa, na katumbas ng 50.66 milyong Pilipinong may kapaki-pakinabang na trabaho sa kasalukuyan.
Mas mataas ito kumpara sa karagdagang 184,000 manggagawa lamang noong kaparehong buwan noong nakaraang taon.
Sinang-ayunan ni Usec. Edillon na may direktang kaugnayan ang 6.2 porsyentong inflation rate sa mataas na employment rate.
Aniya, ang paglikha ng mga bagong trabaho sa sektor ng goods and services ang nagpapanatili sa sirkulasyon at sigla ng ekonomiya ng bansa.
Kaugnay naman ng rekomendasyon ng World Bank na kailangang palawakin ng Pilipinas ang government tax-based revenue—lalo na sa mga low- and middle-income workers—nagbigay ng paglilinaw si Usec. Edillon
Inamin ng opisyal na sa kasalukuyan ay kakaunti pa lamang ang nasasakop ng tax-based system at kakaunting mamamayan pa lamang ang tunay na nakakapagbayad ng tamang buwis.
Gayunpaman, binigyang-diin niya na ang tamang direksyon upang mapalawak ang tax base ay ang pagpaparami ng mga trabaho sa formal sector.
Nilinaw din niya na ang mga maliliit na negosyo tulad ng Barangay Micro Business Enterprises (BMBEs) ay nananatiling protektado at pinalawig pa ang mga insentibo, kung saan marami silang umiiral na eksensyon sa mga bayarin tulad ng corporate tax.