Tiwala ang Philippine Chamber of Commerce and Industry (PCCI) sa paglakas ng ekonomiya ng bansa kapag inalis ng gobyerno ang income tax ng middle-income earners.
Sa programang Boses, sinabi ni PCCI President Perry Ferry na kapag mas maraming pera ang matitira sa tao ay mas may kakayahan ito sa pagbili ng serbisyo o kanilang pangangailangan, na susuporta naman sa Micro, Small and Medium Enterprises o MSMEs.
Una nang nabanggit ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa kaniyang State of the Nation Address (SONA) ang naturang tax relief na layuning hindi na pagbayarin ng personal income tax ang mga kumikita ng P350,000 pababa kada taon.
Kapag naipasa ito, wala nang withholding tax deductions mula sa sahod ng mga kumikita ng P29,000 o mas mababa kada buwan.