Mahigpit na tinututukan ng Philippine National Police (PNP) ang kanilang kampanya kontra smuggling gayundin ng iba pang anyo ng pananabotahe sa ekonomiya.
Ito’y matapos masamsam ng Pulisya ang samu’t saring puslit at pekeng produkto nitong buwan ng Hulyo na nagkakahalaga ng kabuuang ₱628 milyong piso.
Kasabay nito, pinapurihan ni PNP Chief, Police Gen. Jose Melencio Nartatez Jr. ang lahat ng pulis na kasama sa operasyon na nagresulta sa pagkakaaresto sa 656 na mga suspek.
Giit ng PNP Chief, malaking dagok sa mga sindikato ang idinulot ng mga nasabing operasyon lalo’t napeperhuwisyo nito ang mga lehitimong negosyo, nagpapababa ng kita ng Pamahalaan at naglalagay sa peligro sa mga kosyumer.
Dahil dito, sinabi ni Nartatez na hindi nila tatantanan ang pagbuwag sa mga organisadong grupo na nasa likod ng smuggling sabay panawagan sa publiko na huwag magatubiling i-ulat sa kanila ang mga ganitong klase ng aktibidad.