Photo courtesy: President Lee Jae Myung Facebook Page
Naglabas ng direktiba si South Korean President Lee Jae Myung para sa isang “all-out response” upang tugunan ang matinding heatwave na patuloy na nararanasan sa kanilang bansa.
Inatasan ni President Lee ang lahat ng ahensya ng pamahalaan at mga lokal na opisyal na gamitin ang lahat ng magagamit na tauhan at kagamitan upang maprotektahan ang buhay at kaligtasan ng publiko.
Aniya, kabilang sa mga prayoridad ang pagbibigay ng karagdagang suporta sa mga matatanda at iba pang mahihinang sektor, gayundin ang mahigpit na pagpapatupad ng pahinga para sa mga outdoor worker sa kasagsagan ng matinding init.
Ayon sa ulat, inaasahang aabot sa mahigit 39 degrees Celsius ang temperatura sa Seoul sa mga susunod na araw, malapit sa pinakamataas na naitalang init noong 2018.
Dahil sa matinding init, mahigit 20 katao na ang naitalang nasawi at dumarami na rin ang heat-related illnesses.
Patuloy namang nananawagan ang mga awtoridad sa publiko na umiwas sa matinding init at sundin ang mga abiso upang maiwasan ang panganib na dulot ng panahon.