Nakatanggap ng tig-₱2,000 cash assistance ang 820 residente mula sa bayan ng Santa Ignacia, Tarlac sa patuloy na pagpapatupad ng Unified Package for Livelihoods, Industry, Food and Transport (UPLIFT) Program ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Kabilang sa mga nabiyayaan sina Cornelio Labrador ng Brgy. Caanamongan at Violeta Sacatropez ng Brgy. Botbotones, na kapwa nagpahayag ng pasasalamat. Ayon kay Labrador na rumaraket sa pagsasaka at construction, malaking tulong ang ayuda pambili ng pagkain at pambayad sa school supplies ng kaniyang anak. Ibinahagi naman ni Sacatropez, na isang bida na kumikita sa paglalaba at pagtitinda, na malaking pampagaan sa gastusin ng pamilya ang natanggap na suporta.
Ang mga benepisyaryo ay kabilang sa “Group 2” ng programa—mga pamilyang mahihirap at near-poor na natukoy sa 2024 Community-Based Monitoring System (CBMS) at hindi kasama sa 4Ps o Walang Gutom Program.
Makatatanggap ang mga kwalipikadong residente ng ₱2,000 buwan-buwan hanggang Disyembre 2026 bilang bahagi ng patuloy na suporta ng pamahalaan sa mga pamilyang mababa ang kita.
📷 PIA Tarlac