Nakatanggap ng tulong-pinansyal ang 477 residente ng Agoo sa ilalim ng UPLIFT Program, sa pangunguna ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) Field Office 1.
Isinagawa ang payout sa Agoo Civic Center, kung saan naipamahagi ang ayuda sa mga kwalipikadong benepisyaryo, kabilang ang mga miyembro ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) at mga low-income earners na natukoy na kwalipikado ng pamahalaan.
Nagpaabot ng pasasalamat ang mga benepisyaryo sa natanggap na tulong, na anila ay malaking ginhawa sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin. Dagdag pa nila, malaking maitutulong ang ayuda sa pagbili ng pagkain, gamot, at iba pang pang-araw-araw na pangangailangan ng kanilang pamilya.
Sa ilalim ng programa, tumanggap ng isang beses na ₱2,000 na tulong-pinansyal ang mga benepisyaryo ng 4Ps, habang ang mga kwalipikadong low-income earners ay makatatanggap ng ₱2,000 kada buwan sa loob ng anim na buwan bilang karagdagang suporta sa kanilang pang-araw-araw na gastusin.
Layunin ng UPLIFT Program na matulungan ang mga mahihirap, near-poor, at low-income na pamilya na makayanan ang epekto ng pagtaas ng presyo ng langis at mga pangunahing bilihin. Ayon sa DSWD, ang mga susunod na payout ay isasagawa na sa pamamagitan ng e-wallet upang mapabilis at maging mas episyente ang paghahatid ng tulong sa mga benepisyaryo.