Bahagyang bumagal ang paglago ng ekonomiya ng Pilipinas sa ikalawang quarter ng 2026, sa gitna ng patuloy na epekto ng tensyon sa Middle East at iba pang hamon sa ekonomiya.
Sa ulat ni PSA Undersecretary at National Statistician Dennis S. Mapa, lumago ng 2.3% ang Gross Domestic Product o GDP ng bansa sa second quarter ng 2026.
Mas mababa ito sa 2.8% growth na naitala noong unang quarter ng taon at pinakamabagal na quarterly growth mula noong unang quarter ng 2021, kasagsagan ng COVID-19 pandemic.
Samantala, lumago ng 2.2% ang Gross National Income o GNI, habang naitala naman ng 1% ang Net Primary Income.
Ayon sa PSA, kabilang sa mga sektor na nag-ambag sa paglago ng ekonomiya ang wholesale at retail trade, education, at manufacturing.
Sa panig naman ni DepDev Sec. Arsenio Balisacan, sinabi niyang dahil sa second quarter growth rate, umabot sa 2.6% ang first-semester economic growth ng bansa.
Bagama’t mabagal ang paglago, sinabi ni Balisacan na may ilang economic indicators na unti-unting bumabangon ang ekonomiya.
Kabilang sa mga positibong senyales ang pagbilis ng government final consumption spending, na pinalakas ng pagpapalawak ng social assistance.
Itinuturing din na areas of strength ang agricultural output, manufacturing sector, habang nagkaroon ng momentum ang exports ng goods at services.
Ayon kay Balisacan, kailangang lumago ang ekonomiya ng hindi bababa sa 4.4% sa second half ng taon para maabot ang annual growth target.
Kabilang sa mga hakbang ng gobyerno ang pagpapabilis ng high-impact infrastructure projects, pagprotekta sa purchasing power ng mga Pilipino, pagpapalakas ng competitiveness ng mga lokal na negosyo, at pagpapalawak ng market opportunities para mapakinabangan ang pagbangon ng exports.
Nabanggit din ni Balisacan ang isinagawang pagpupulong ng Legislative-Executive Development Advisory Council o LEDAC, kung saan napagkasunduan ang 33 key measures para isulong ang anti-corruption reforms at palakasin ang ekonomiya.