Patuloy na nakikinabang ang mga mamamayan ng Agusan del Norte sa pinaigting na infrastructure, kalsada, at pang-agrikulturang proyekto sa pamamagitan ng suporta mula sa Local Government Support Fund (LGSF) at pambansang pamahalaan.
Sa kaniyang State of the Province Address (SOPA), binigyang-diin ni Gobernador Maria Angelica Rosedell M. Amante na ang mga nasabing inisyatibo ay patunay ng tiwala ng mga pambansang ahensya sa tapat at maayos na pamamahala ng lalawigan, na umaayon din sa adhikain ng “Bagong Pilipinas” ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Kabilang sa mga pangunahing proyektong naisakatuparan ay ang mga sumusunod:
- ₱25 Milyong LGSF-FALGU (FY 2025): Inilaan para sa pagsasaayos ng Amontay-Calonia provincial road upang mapabilis ang transportasyon ng mga kalakal at tao.
- ₱3 Milyong LGSF-SGLGIF (FY 2025): Insentibo para sa rehabilitasyon ng All Living Spaces Building sa Provincial Jail bilang pagkilala sa nakuha ng probinsya na Seal of Good Local Governance (SGLG).
- ₱911 Milyong DPWH Infrastructure Projects: Sakop ang 44 na proyekto tulad ng rehabilitasyon ng Buenavista-Bunaguit Road at flood-control structures sa Guihao-an at Guinoyoran River para sa proteksyon laban sa baha.
- Mga Proyekto ng NIA: Patuloy na pagpapalawak ng Santiago at Cabadbaran-Tubay River irrigation systems upang matiyak ang patubig sa mga sakahan at maibsan ang usapin sa seguridad sa pagkain.
Ayon kay Gov. Amante, ang matibay na pakikipagtuwang na ito sa pambansang pamahalaan ay patuloy na naghahatid ng mas magandang kalidad ng pamumuhay at oportunidad para sa lahat ng Agusanon.
Source: PIA