Asahan ang mabilis na pag-aksyon ng Kamara sa mga de-kalidad na panukalang batas.
Ayon kay House Speaker Faustino Dy III ngayong 2nd regular session ng 20th Congress ay lalo pang palalakasin ang ugnayan ng Kamara sa Senado at Malacañang, gayundin ang committee system upang mapabilis ngunit mas maging masusi ang pagtalakay sa mga panukala.
Binigyang-diin din niya ang kahalagahan ng maagang konsultasyon sa iba’t ibang sektor upang agad matugunan ang mga isyu bago pa man umabot sa plenaryo.
Aniya, layunin ng Kamara na hindi lamang mapabilis ang pagpasa ng mga batas kundi matiyak ding de-kalidad at tunay na makikinabang ang publiko sa mga ito.
Sinabi rin ni Dy, na tututukan ng Kongreso ang mga panukalang makatutulong sa pagpapababa ng gastusin, pagpapalakas ng ekonomiya, paglikha ng trabaho, at pagpapabuti ng mga serbisyong pampubliko.
Tiniyak naman ng Speaker na mananatiling bukas ang Kamara sa pakikipagtulungan sa iba pang sangay ng pamahalaan at iba’t ibang sektor, upang maisulong ang mga repormang pakikinabangan ng bawat Pilipino.