Nakatanggap ng tulong pampinansyal ang 442 na kwalipikadong benepisyaryo sa Batangas City matapos isagawa ng DSWD Region IV-A ang payout ng Unified Package for Livelihoods, Industry, Food and Transport (UPLIFT) Program sa Batangas City Coliseum noong Agosto 4.
Kabilang ang mga benepisyaryo sa “Group 2” (mga pamilyang mahihirap at near-poor) na natukoy gamit ang 2024 Community-Based Monitoring System (CBMS) ng PSA at binaybay ng OCSWDO at DSWD. Sa ilalim ng direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na maibsan ang epekto ng mataas na bilihin at krisis sa enerhiya, makatatanggap ang bawat pamilya ng ₱2,000 buwan-buwan mula Hulyo hanggang Disyembre.
Kasabay ng pamimigay ng cash ayuda, isinagawa rin ang Government-to-Person (G2P) registration para sa paglipat sa digital disbursement sa pamamagitan ng G2P App sa mga susunod na buwan.
Ang aktibidad sa Batangas City ay bahagi ng mas malawak na rollout ng DSWD sa buong CALABARZON, kung saan higit 6,000 benepisyaryo mula sa 11 lokalidad sa Batangas, Rizal, Quezon, at Laguna ang nakatanggap din ng kaparehong tulong noong Agosto 3.
Source: PIA Batangas