Ipinanukala ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa Kongreso ang pansamantalang pagsuspinde sa pagpapatupad ng Real Property Valuation and Assessment Reform Act (RPVARA) o Republic Act No. 12001. Ang hakbang na ito ay layuning maiwasan ang karagdagang gastusin sa ari-arian ng mga negosyo, suportahan ang mga pamumuhunan, at magkaroon ng makatwiran at dahan-dahang transisyon patungo sa bagong valuation system.
Inihain ng Pangulo ang panukala sa ginanap na Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC) meeting kasama ang mga lider ng Senado at Kamara nitong Huwebes sa Malakañang, ayon kay Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro.
Bukod sa RPVARA, tinalakay rin sa ika-apat na LEDAC meeting ng 20th Congress ang 24 na priority Common Legislative Agenda bills na target maipasa bago matapos ang Hunyo 2027.