Photo courtesy of Albay Provincial Agricultural Office
Sa gitna ng patuloy na epekto ng mataas na presyo ng produktong petrolyo, namahagi ang Pamahalaang Panlalawigan ng Albay ng tig-₱2,000 fuel assistance sa mga magsasaka, mangingisda, mga tsuper ng pampasaherong jeep, at tricycle drivers sa ilalim ng Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS) Program.
Isinagawa ang distribusyon sa pangunguna ng Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO) nitong August 5 sa Sto. Domingo, Albay, at sinundan noong August 6, sa San Jose Covered Court sa bayan ng Malilipot.
Ayon sa Albay Provincial Agricultural Office, layunin ng ayuda na mabawasan ang pasanin ng mga benepisyaryo na kabilang sa mga sektor na higit na naapektuhan ng patuloy na pagtaas ng presyo ng langis at gastusin sa kabuhayan.
Ang tig-₱2,000 fuel assistance ay ipinagkaloob sa ilalim ng pamumuno ni Governor Noel Rosal, katuwang ang patuloy na suporta ng Sangguniang Panlalawigan ng Albay.
Patuloy namang isinusulong ng pamahalaang panlalawigan ang mga programang nagbibigay ng agarang tulong sa mga Albayan na apektado ng umiiral na krisis sa langis.