Naniniwala si Victor Lim ng Federation of Filipino Chinese Chambers of Commerce and Industry, Inc. (FFCCCII) na mas makabubuting idaan sa maayos at diplomatikong pag-uusap ang umiiral na tensyon sa ugnayan ng Pilipinas at China.
Kasunod ito ng mga panawagang ideklarang persona non grata sa Pilipinas si Chinese Ambassador Jing Quan dahil sa mga pahayag nito laban sa pamahalaan ng Pilipinas.
Agad namang inalmahan ng ilang opisyal ng pamahalaan, kabilang ang ilang senador, ang mga naging pahayag ng Chinese envoy.
Sa gitna ng kontrobersiya, iginiit ni Lim ang kahalagahan ng diplomatikong pag-uusap upang matugunan ang mga hindi pagkakaunawaan at maiwasang lalo pang lumala ang tensyon sa pagitan ng dalawang bansa.
Ang deklarasyong persona non grata ay isang hakbang na maaaring gamitin upang ipahayag na hindi na katanggap-tanggap ang isang dayuhang kinatawan sa isang bansa.