Nais ding malaman ng House prosecution panel kung tunay na tao o alias lamang ang “Mary Grace Piattos,” isa sa mga pangalang lumutang sa usapin ng confidential funds ni Vice President Sara Duterte.
Sa press conference, sinabi ni House prosecution legal spokesperson Benjamin Tolosa Jr. na hanggang ngayon ay wala pang malinaw na posisyon ang depensa kung ang “Mary Grace Piattos” at iba pang pangalan sa mga acknowledgment receipt ay mga alias o tunay na tao.
Ayon kay Tolosa, kung walang pahayag ang depensa, ang presumption ay mga totoong tao ang mga ito kaya hinihintay nilang linawin ng kampo ng bise presidente ang isyu sa impeachment trial.
Sinabi rin niya, na kahit alias man o tunay na pangalan ang mga nakasaad sa mga resibo, nananatili ang obligasyon ng mga opisyal ng pamahalaan na maipaliwanag at ma-account nang maayos ang paggamit ng pondo ng bayan.
Idinagdag pa ni private prosecutor Amando Virgil Ligutan, na kung alias ang ginamit na pangalan ng recipient, marami pa ring katanungan ang kailangang sagutin ng depensa, kabilang na kung alias din ba ang mga lumagda sa mga dokumento.