Nababahala si House private prosecutor at legal spokesperson Atty. Jay Tolosa sa naging pahayag ni Vice President Sara Duterte na may “bending the law” umano sa nagpapatuloy na impeachment trial.
Ayon kay Tolosa, ang ganitong mga pahayag ay maaaring makasira sa tiwala ng publiko sa impeachment court at sa mismong proseso ng pananagutan na itinatadhana ng Konstitusyon.
Ipinunto din niya na ilang ulit nang ipinaliwanag ang naging proseso sa Kamara at naibasura na rin ng Korte Suprema ang mga petisyong kumukuwestiyon dito.
Sa halip na kuwestiyunin ang integridad ng impeachment proceedings hinimok ni Tolosa si Duterte na humarap at direktang sagutin ang mga alegasyon laban sa kanya sa paglilitis.
Binigyang-diin naman ni House impeachment adviser at dating Surigao del Norte Representative Robert Ace Barbers na apat na taon na ang lumipas mula nang lumitaw ang isyu sa confidential funds ngunit wala pa ring naipapakitang sapat na mga dokumento upang maipaliwanag ang paggamit ng mga ito.
Hirit niya, mas mainam na maglatag ng ebidensya ang kampo ng bise presidente kaysa maglabas ng mga pahayag na umaatake sa proseso ng impeachment. | ulat ni Kathleen Forbes