Inalis ng Department of Energy (DOE) ang mga pre-installation clearance, technical permit, at inspection fee para sa maliliit na solar power systems alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na pabilisin at padaliin ang paggamit ng renewable energy sa bansa.
Para sa plug-and-play Micro-Solar Systems na hanggang 1 kilowatt direct current capacity at 0.8 kilowatt alternating current capacity, hindi na kinakailangan ang local building permit at Certificate of Compliance mula sa Energy Regulatory Commission. Kailangan lamang magbigay ng written post-installation notice sa utility.
Sa ilalim ng Department Circular No. DC2026-08-0017, ipinagbabawal sa mga distribution utilities ang paghingi ng mga pre-installation clearance, technical permit, at inspection fee bago makapag-install ang mga consumer ng zero-export solar systems at micro-solar systems.
Ipinagbabawal din ang pagbabawas ng transformer o service drop capacity ng mga consumer dahil lamang sa pagkakabit ng solar facility.
Bahagi ito ng hakbang ng pamahalaan upang mapalawak ang paggamit ng renewable energy at makamit ang target na 35% renewable energy share pagsapit ng 2030 at 50% pagsapit ng 2040.