Photo courtesy of Presidential Communications Office
Muling pinagtibay ng pamahalaan ang suporta sa technical-vocational education sa ginanap na TESDA Ilocos Norte Mass Graduation, kung saan binigyang-pugay ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang 1,150 TESDA scholars.
Mula ito sa 23 TESDA-accredited institutions sa lalawigan na nagtapos sa ilalim ng Training for Work Scholarship Program at Special Training for Employment Program (STEP).
Binigyang-diin ng pangulo, ang kasanayan at sertipikasyong nakamit ng mga nagtapos ang magsisilbing susi sa mas magandang kinabukasan.
Sa kaganapan, kinikilala ni Pangulong Marcos ang sipag at dedikasyon ng mga ito, sa paglinang ng mga kasanayang kailangan ng iba’t ibang industriya.
Ayon sa pangulo, ang pinakamahalagang puhunan ng bansa ay ang mamamayang Pilipino.
Aniya, ang pamumuhunan sa kakayahan ng bawat Pilipino ay pamumuhunan din sa mas matatag na pamilya, mas masiglang ekonomiya, at mas maunlad na kinabukasan ng bansa.
Patuloy na pinalalawak ng Marcos administration ang access sa dekalidad na technical-vocational education sa pamamagitan ng pagpapalawak ng scholarship programs, Enterprise-Based Education and Training (EBET), TESDA Online Program, TVET for Social Equity Program, at micro-credentialing upang higit pang mapalawak ang oportunidad sa trabaho, kabuhayan, at pagnenegosyo ng mga Pilipino.