Pormal nang pinasinayaan nina Education Secretary Sonny Angara at Ako Bicol Party-list Representative Alfredo “Pido” Garbin Jr. ang P145-milyong proyekto na binubuo ng 48 bagong silid-aralan sa Marcial O. Rañola Memorial School (MORMS) sa Guinobatan, Albay.
Layunin ng proyekto na wakasan ang matagal nang three-shift na sistema ng klase sa paaralan na may 6,997 mag-aaral sa Junior at Senior High School. Sa ilalim ng Basic Education Facilities Fund (BEFF) 2024, inaasahang makatutulong ang tatlong bagong gusali upang mabawasan ang kakulangan sa silid-aralan at maibalik sa regular at buong-araw na klase ang mga mag-aaral mula Grade 7 hanggang Grade 12.
Ayon kay Secretary Angara, malaking hakbang ang proyekto sa paglutas ng classroom shortage at bahagi ito ng layunin ng administrasyong Marcos na mapabuti ang mga pasilidad sa edukasyon sa tulong ng mga lokal na pamahalaan at iba pang katuwang na ahensya.
Samantala, sinabi naman ni Ako Bicol Partylist Rep. Alfredo Garbin na ang bagong imprastraktura ay pamumuhunan para sa kinabukasan ng mga kabataang Bicolano at bahagi ng patuloy na pagsisikap na mapalawak ang access sa dekalidad na pasilidad sa pag-aaral sa buong rehiyon.
Isinagawa ang proyekto sa pakikipagtuwang ng DepEd, Department of Public Works and Highways (DPWH), Ako Bicol Party-list, at mga lokal na pamahalaan.