Naniniwala si dating Surigao del Norte Representative at House prosecution adviser Robert Ace Barbers na nagamit lamang ang tinaguriang “Maleta Boys” upang siraan ang mga opisyal ng pamahalaan at maging ang ilang miyembro ng House prosecution panel.
Kasunod ito ng pag-recant o pagbawi ng apat sa 18 “Maleta Boys” sa kanilang mga naunang salaysay na nag-uugnay sa ilang matataas na opisyal ng pamahalaan sa umano’y flood control kickback scheme.
Ayon kay Barbers, malinaw na ipinakikita ng kanilang pagbawi na may naghanda ng kuwento at nag-udyok sa kanila na magpakalat ng maling mga akusasyon.
Iginiit din niya na pinatitibay ng mga recantation ang kredibilidad ng House prosecution panel dahil lumilitaw na bahagi umano ang mga alegasyon ng planong sirain ang impeachment process.
Naniniwala rin si Barbers na maaaring konsensya at hindi natupad na mga pangako ang nagtulak sa apat na bawiin ang kanilang mga pahayag.
Umaasa naman si Barbers na mas marami pang sangkot ang magsasabi ng buong katotohanan upang mapanagot ang mga nasa likod ng umano’y paninira.