Photo courtesy of Isabela PIO
Nagpasalamat ang mga lokal na pinuno ng Butuan kay House Speaker Faustino “Bojie” Dy para sa pagpapatupad ng “LegisHear: Bawat Batas Mahalaga” sa Caraga State University ngayong araw.
Sa ngalan ni Mayor Lawrence Lemuel Fortun, ipinaabot ni Vice Mayor Reynante Desiata ang pagkilala kina Speaker Dy at Butuan City Lone District Rep. Jose “Joboy” Aquino II sa pagdadala ng programa upang direktang pakinggan ang boses ng mamamayan sa labas ng Metro Manila.
Binigyang-diin ng bise alkalde na madalas ay sa telebisyon at social media lamang nakikita ng mga residenteng malayo sa Maynila ang Kongreso, kaya’t malaking oportunidad ang konsultasyon upang mailapit ang pamahalaan sa mga Butuanon.
Ipinaliwanag niyang umaangkop ang programa sa layunin ng lungsod para sa inclusive at smart governance, kung saan nagiging mas mulat ang mga mamamayan sa kanilang mga karapatan kapag nauunawaan nila ang mga batas.
Hinimok ni Desiata ang mga residente ng 86 na barangay sa Butuan na aktibong lumahok, magtanong, at magbahagi ng kanilang mga lokal na karanasan upang maging gabay sa pagbuo ng mga hinaharap na panukalang batas.
Una nang sinabi ni Speaker Dy na target nilang maabot ang lahat ng probisya sa bansa.