Inaasahang magkakaroon na ang Caraga Region ng kauna-unahang Level III hospital matapos itong isalang sa deliberasyon ng Senado kasunod ng pagpasa ng Kamara sa panukalang batas.
Ito ang inanunsyo ni Butuan City Lone District Rep. Jose “Joboy” Aquino II sa Mindanao Launching ng LegisHear.
Ayon kay Aquino, tatalakayin na ng Senate Committee on Health na pinamumunuan ni Sen. Risa Hontiveros ang House Bill No. 8470. Layunin ng panukala na gawing “Butuan General Hospital” ang kasalukuyang Butuan Medical Center upang mailagay ito sa ilalim ng pamamahala ng Department of Health (DOH).
Ang panukala ay pangunahing inihain ni Aquino kasama sina House Committee on Health Chairperson Rep. Ciriaco Gato Jr. at House Committee on Appropriations Chairperson Rep. Mikaela Angela Suansing.
Mula sa kasalukuyang 150 beds, dodoblehin ang kapasidad ng ospital sa 300 beds upang masagip ang kakulangan sa higit 700 hospital beds sa rehiyon na may halos 2.9 milyong residente.
Sinabi ni Aquino na mahalaga ang batas na ito upang hindi na kailangang bumiyahe pa nang malayo o lumabas ng rehiyon ang mga mahihirap na pasyente sa Caraga para lamang makakuha ng specialized medical services.