Photo courtesy: Pacific Islands Forum
Nabigong makabuo ng iisang posisyon ang mga foreign minister ng Pacific Islands Forum matapos ang kanilang pagpupulong hinggil sa magiging opisyal na tugon kaugnay sa kamakailang missile test ng China sa rehiyon.
Ayon sa mga ulat, nagkaroon nang magkakaibang pananaw ang mga kalahok kung dapat bang maglabas nang matinding pahayag o pairalin ang mas maingat na diplomasya.
Iginiit naman ng ilang bansa na mahalagang ipakita ang pagkabahala sa ano mang kilos na maaaring magdulot ng tensyon at makaapekto sa seguridad ng rehiyon.
Samantala, may mga miyembro namang nagsabi na dapat na panatilihin ang bukas na komunikasyon sa Beijing upang mapangalagaan ang matagal nang ugnayang pang-ekonomiya at pampolitika.
Dahil sa kawalan nang pagkakasundo, walang inilabas na magkasanib na pahayag ang mga ministro.
Sa kabila nito, muling iginiit ng mga lider ang kahalagahan ng diyalogo, paggalang sa pandaigdigang batas, at mapayapang paglutas sa mga isyung panseguridad upang mapanatili ang katatagan sa rehiyon ng Pasipiko.