Photo courtesy of House of Representatives
Ipinapanukala ni TGP Party-list Representative Jose “Bong” Teves Jr. pigilan ang mga kandidatong may umiiral na interes sa government contracts na makatakbo sa halalan.
Sa kaniyang House Bill No. 9142 o Electoral Conflict of Interest Prevention Act oobligahin na magsumite ang bawat naghahain ng Certificate of Candidacy (COC) ng isang sinumpaang salaysay na nagsasabing wala silang direkta o hindi direktang pinansyal na interes, gayundin ang kanilang immediate family, sa anumang government contract sa loob ng nakalipas na limang taon.
Ang naturang sworn undertaking ay kailangang nakalakip sa COC, at ang hindi pagsusumite nito ay magiging dahilan para hindi tanggapin o kanselahin ang kandidatura.
Inaatasan din ng panukala ang Commission on Elections na beripikahin ang deklarasyon sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan sa Government Procurement Policy Board, Department of Budget and Management, at Commission on Audit.
Ang sinumang magsisinungaling, magtatago ng impormasyon, o papasok sa bagong government contract matapos maghain ng COC ay maaaring maharap sa permanenteng diskwalipikasyon sa pagtakbo sa anumang posisyon, kanselasyon ng kandidatura, at mga kasong kriminal.
Ayon kay Teves, layunin ng panukala na tiyaking ang mga nais manungkulan sa gobyerno ay nagsisilbi para sa interes ng publiko at hindi para sa pansariling negosyo o pakinabang mula sa pondo ng bayan.
Tutugunan din aniya nito ang kakulangan sa umiiral na batas dahil karamihan sa mga safeguards laban sa conflict of interest ay nagsisimula lamang kapag nanungkulan na ang isang halal na opisyal.