Isinagawa ang isang Focus Group Discussions o FGD at stakeholder engagements kasama ang iba’t ibang ahensya ng pamahalaan bilang bahagi ng LegisHear: Bawat Batas Mahalaga, Nationwide Legislative Consultation and Oversight Initiative ng House of Representatives na ginanap ngayong araw sa Caraga State University Main Campus sa Ampayon, Butuan City.
Kasabay ng mga konsultasyon, inilunsad din ang Assistance to Individuals in Crisis Situations o AICS payout ng Department of Social Welfare and Development o DSWD. Tinatayang 2,500 benepisyaryo ang nakatakdang makatanggap ng ₱3,000 na financial assistance sa unang araw ng programa.

Ayon kay Jean Paul S. Parajes, Assistant Regional Director for Operations ng DSWD Caraga, nakatakda ring magsagawa ng ikalawang batch ng payout bukas, Agosto 8, kung saan target na mabigyan ng ayuda ang karagdagang 2,500 benepisyaryo, na tatanggap din ng tig-₱3,000.
Sa pamamagitan ng pagsasabay ng legislative consultations at serbisyong pampubliko, layunin ng LegisHear na mas mailapit ang Kongreso at ang mga programa ng pamahalaan sa mga komunidad, habang pinapalakas ang partisipasyon ng mamamayan sa paghubog ng mga polisiya at pagbibigay ng agarang tulong sa mga nangangailangan.