Nananatiling nakaalerto ang buong hanay ng Philippine National Police (PNP) sa gitna ng patuloy na pananalasa ng habagat sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Ayon kay PNP Spokesperson Police Colonel Allen Rae Co, umabot na sa 50 indibidwal ang nasagip ng pulisya sa kasagsagan ng kanilang search, rescue, and retrieval operations sa mga apektadong lugar.
Sa naturang bilang, 35 ang nasagip sa Ilocos Region, walo sa Cordillera, anim sa Central Luzon, at isa sa CALABARZON dahil sa banta ng pagbaha at pagguho ng lupa.
Sa ngayon, nasa 3,337 pulis ang naka-deploy sa mga apektadong komunidad, habang naka-standby naman ang 11,402 tauhan ng Regional Special Support Force ng PNP para sa agarang deployment kung kinakailangan.