Photo courtesy of Senate of the Philippines
Iginiit ni Senate Blue Ribbon Committee Chairman Senador Erwin Tulfo na hindi lamang flood control projects ang pagtutuunan ng imbestigasyon ng kanyang komite kundi pati na rin ang mga pampublikong imprastraktura na hindi pumapasa sa itinakdang pamantayan o substandard.
Ginawa ng senador ang pahayag kasunod ng mga isyu sa public works na mabilis masira dahil sa kaunting pag-ulan.
Ayon kay Tulfo, isa-isang susuriin ng komite ang mga tulay, kalsada, at iba pang government projects na madaling masira o bumigay, lalo na kapag dumadaan ang malalakas na bagyo.
Ipinahayag ni Senador Erwin na indikasyon ng posibleng korapsyon ang mga proyektong hindi natatapos o hindi maayos ang pagkakagawa kahit may nakalaang sapat na pondo para maisagawa ang mga ito alinsunod sa standards.
Sinabi ni Tulfo na nakikipag-ugnayan na ang Blue Ribbon Committee sa Department of Public Works and Highways (DPWH) at iba pang ahensya ng pamahalaan bilang bahagi ng pagsusuri sa mga kuwestiyonableng proyekto.
Isa sa mga binigyang-diin na insidente ang pagbagsak ng malaking retaining wall sa northbound lane ng EDSA-Ayala sa Makati City matapos ang sunod-sunod na bagyo. Samantala, sinabi ng Blue Ribbon Committee chairman na bukas ang komite na palawakin pa ang imbestigasyon sa flood control projects sakaling may lumitaw na mga bagong pangalan at impormasyon, kabilang ang mga sangkot na matataas na opisyal.