Nanawagan si Senator Kiko Pangilinan sa pamahalaan na bumuo ng isang komprehensibong National Flood Management Plan at magsagawa ng buong accounting sa lahat ng pondong inilaan para sa mga flood-control project sa bansa.
Kasunod ito ng patuloy na pagbaha sa ilang bahagi ng Metro Manila at mga kalapit na lalawigan dulot ng pinalakas na Habagat.
Giit ni Pangilinan, hindi dapat normal ang baha lalo’t malaki ang epekto ng nito sa kabuhayan at pang-araw-araw na buhay ng mga Pilipino.
Hindi rin aniya dapat umasa lang ang bansa sa emergency response tuwing may kalamidad.
Sa halip, kailangan aniyang magkaroon ng pangmatagalan at maagap na flood management strategy.
Kasabay nito, hiniling ni Pangilinan ang kumpletong accounting ng mga pondong inilaan para sa flood-control projects, lalo na’t patuloy na napapabalita ang mga kontrobersiya kaugnay ng pagpapatupad ng mga naturang proyekto.
Dapat aniyang malinaw kung anu-anong proyekto ang pinondohan, saan isinagawa ang mga ito, magkano ang halaga, sino ang mga contractor, ano ang status ng implementasyon, at kung naging epektibo ba ang mga proyekto sa aktuwal na lugar.
Binigyang-diin ng mambabatas na ang isang pambansang flood management plan ay dapat nakatuon sa prevention, nakabatay sa siyensya, transparent, at may pangmatagalang solusyon.
Dapat din aniyang isaalang-alang nito hindi lamang ang kasalukuyang problema sa pagbaha kundi maging ang mga posibleng hamon sa hinaharap dulot ng climate change at iba pang environmental concerns. | ulat ni Nimfa Asuncion