Sa kabila ng magdamagang pag-ulan dulot ng Habagat, mabilis na humupa ang baha sa bahagi ng Araneta Avenue sa Quezon City.
Ayon sa ilang residente, umabot hanggang tuhod ang baha sa lugar kaninang madaling araw, ngunit mabilis din itong bumaba dahil sa mga flood mitigation measures na ipinatupad sa lugar.
Kabilang dito ang mga pinalawak na drainage canal at water pump na inilagay ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa San Juan River.
Nagtulungan naman ang mga residente sa paglilinis ng mga basurang naiwan ng baha. Kanya-kanya silang nagwalis at naghakot ng mga naipong basura sa drainage system.
Maaga ring nag-deploy ng mga tauhan ang DPWH sa lugar upang tumulong sa clearing at cleanup operations.
Inikot din ng RP1 team kanina ang bahagi ng Maria Clara Street sa Barangay Sto. Domingo na naapektuhan din ng pagbaha, ngunit mabilis ding humupa ang tubig.