Ibinida ni Deputy Speaker at La Union Representative Paolo Ortega na sa unang pagkakataon sa loob ng 60 taon ay naiwasan ang pagbaha sa Central Business District ng San Fernando City sa kabila ng malalakas na pag-ulan.
Ayon kay Ortega, patunay ito na gumagana ang mga ipinatupad na flood mitigation projects sa lungsod.
Sinagot din ni Ortega ang mga tanong tungkol sa pagbaha sa isang lugar sa San Fernando na naging viral sa social media, kasunod ng ulat na umabot sa ₱773.8 milyon ang flood-control spending sa lungsod.
Ipinaliwanag niyang walang flood-control structure sa naturang lugar dahil isa itong catch basin na nangangailangan ng ibang solusyon.
Aniya, kailangan dito ang pagtatayo ng cistern at isang comprehensive drainage system na ikokonekta sa pangunahing drainage network ng lungsod.
Giit ni Ortega, walang ghost project o flood-control project na hindi gumana sa kanyang distrito, at mabilis ding humupa ang baha matapos tumigil ang ulan habang nanatiling passable ang mga national road.
“Yung area po na binaha, wala po siyang flood control. Catch basin po siya. Solution po na kailangan gawin doon is cistern and ‘yung comprehensive po na drainage na kukonekta po doon sa master drain po yung malaki po namin na drainage malapit sa DMMMSU, sa DMMMSU University at saka doon po sa may monumento at doon po sa malapit po sa aming city proper,” paliwanag ni Ortega