Pinasususpinde ni Marikina 2nd District Representative Miro Quimbo ang contractor at operator ng Iwahig at Tumana Pumping Stations matapos niyang makitang hindi gumagana ang mga ito habang binabaha ang lugar.
Personal na nag-inspeksyon si Quimbo sa mga pumping station matapos makatanggap ng reklamo mula sa mga residente ng Tumana na hindi umaandar ang mga pasilidad.
Ayon kay Quimbo, wala ring personnel ng J.D. Legaspi Construction, ang contractor at operator ng mga pumping station, nang siya ay mag-inspeksyon.
Sinabi ng mambabatas na una na niyang nakontak ang operator at hinimok itong tiyaking gumagana ang mga pumping station, lalo na’t nasa ilalim ng Red Rainfall Warning ang lugar.
Giit niya, hindi dapat iniiwan o hinahayaang hindi gumagana ang mga pasilidad na nakatalaga para protektahan ang mga residente laban sa pagbaha.
Nanawagan siya kay Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Vince Dizon na magsagawa ng full investigation at suspindihin ang J.D. Legaspi Construction, habang dapat managot ang sinumang mapatutunayang nagpabaya.