Walang patid ang pagpapadala ng tulong ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) para sa mga pamilyang naapektuhan ng pananalasa ng Habagat at mga nagdaang Bagyong Luis at Maymay.
Batay sa tala ng DSWD, umabot na sa 46,149 family food packs (FFPs) naipamahagi sa mga pamilyang naapektuhan sa National Capital Region, Cordillera Adminsitrative Region, Ilocos Region, Cagayan Valley, Central Luzon, CALABARZON, MIMAROPA, Bicol Region, Western Visayas, at Zamboanga Peninsula.
Bukod dito, nakapamahagi na rin ng 1,212 ready-to-eat food (RTEF) boxes at 356 non-food items (NFIs) sa mga nasalantang komunidad.
Bahagi ito ng augmentation request mula sa mga lokal na pamahalaan na nakalaan para sa mga pamilyang naapektuhan.
Nananatiling nakahanda naman ang ₱1.61 bilyong standby funds at mahigit ₱4.44 bilyong halaga ng relief resources, kabilang ang higit limang milyong Family Food Packs (FFPs), 246,022 Non-Food Items (NFIs), at 348,354 Ready-to-Eat Food (RTEF) boxes, para sa agarang pagpapadala sa mga komunidad na naapektuhan ng kalamidad.