Nakatakdang magpatupad ng refund na ₱0.59 bawat kilowatt-hour (kWh) ang Manila Electric Company (Meralco) para sa mga residential customer ngayong buwan ng Agosto.
Ayon kay Meralco spokesperson Joe Zaldarriaga, ang nasabing refund ay batay sa inaprubahang alituntunin ng Energy Regulatory Commission (ERC). Inaasahang matutulungan nito na mapababa o maibsan ang iba pang karagdagang singil sa kuryente ngayong buwan.
Kabilang sa mga inaasahang pagtaas sa billing ngayong Agosto ay ang:
- Pagtaas ng singil sa reserve market ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP);
- Mas mataas na feed-in tariff allowance (FIT-All) na kukunin sa lahat ng mga consumer; at
- Singil mula sa inaprubahang pass-through under-recoveries ng ERC.
Ayon pa sa Meralco, nakikita rin ang pagbaba ng kabuuang demand sa kuryente sa Luzon grid dahil sa mas malamig na panahon nitong nakaraang buwan, ayon sa ulat ng Independent Electricity Market Operator of the Philippines (IEMOP), na nagpababa rin sa presyo ng kuryente sa wholesale spot market.
Bagama’t inaasahang magdadala ng kaunting ginhawa ang refund na ito sa mga consumer, patuloy pa ring nananawagan ang Meralco sa publiko na maging matipid at responsable sa paggamit ng kuryente.