Nagpasalamat si Parañaque 2nd District Representative Brian Yamsuan kay Department of Public Works and Highways
(DPWH) Secretary Vince Dizon sa maagap na pagtugon sa pagbaha sa Fourth Estate.
Personal na nagtungo sina Dizon at Yamsuan sa lugar upang tingnan ang agarang hakbang para mapabilis ang pagbaba ng tubig matapos ang waist-deep na baha dulot ng malakas na ulan.
Iniutos ni Dizon ang pagpapadala ng water pump at backhoe para maalis ang tubig at mga basurang bumara sa mga daluyan.
Tinalakay rin nila ang mga pangmatagalang solusyon sa paulit-ulit na pagbaha sa Fourth Estate at iba pang flood-prone areas sa Parañaque.
Kabilang sa mga pangmatagalang hakbang ang flood interceptor project sa Dr. Santos Avenue, na popondohan muna ng ₱50 milyong piso mula sa savings ng DPWH ngayong taon at isusulong na mapondohan din sa 2027 national budget.
Plano rin ng DPWH ang pag-upgrade ng mga lumang dike at pagtatayo ng detention basins sa ilalim ng mga basketball court at open spaces.
Nanawagan naman si Yamsuan sa mga residente ng Parañaque na makiisa sa paglutas ng problema sa baha sa pamamagitan ng tamang pagtatapon ng basura at hindi pagtatapon sa mga creek at iba pang waterways.
Sinabi ni Yamsuan na makakaasa ang mga Parañaqueño na patuloy silang makikipag-ugnayan kay Dizon para matugunan hindi lamang ang agarang problema kundi pati ang pangmatagalang solusyon sa pagbaha sa lungsod.