Dinagdagan na ng Philippine National Police (PNP) ang mga tauhan at kagamitan nito na ipinakalat para kagyat na tumugon sa mga emergency.
Ito’y kasunod na rin ng malalakas na pag-ulang nararanasan sa malaking bahagi ng bansa dulot ng #Habagat mula pa noong isang linggo hanggang nitong weekend.
Ayon kay PNP Chief, Police Gen. Jose Melencio Nartatez Jr., mataman silang nakikipag-ugnayan sa iba’t ibang lokalidad gayundin sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan para sa “strategic deployment” lalo na sa mga lugar na higit na nagangailangan.
Kasunod nito, hinikayat ni Nartatez ang publiko na manatiling nakasubaybay sa abiso at sundin ang utos ng mga awtoridad para na rin sa kanilang kaligtasan.
Nagbabala rin siya sa mga nagpapakalat ng mga hindi beripikadong impormasyon hinggil sa lagay ng panahon lalo na sa online dahil makapagdudulot ito ng takot at pangamba sa publiko.

