Nagbabala ang Philippine National Police – Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) sa publiko na mag-ingat sa mga pampalasang ginagamit sa kanilang pang-araw-araw na lutuin.
Ito’y makaraang masabat ang kahon-kahong mga hinihinalang pekeng pampalasa o food seasoning na “MAGIC SARAP” sa ikinasang operasyon ng mga awtoridad sa isang warehouse sa Brgy. Sto. Niño, Cebu City noong August 6.
Nagresulta ito sa pagkakaaresto sa isang Chinese national at pagkakakumpiska sa mga naturang kontrabando na nagkakahalaga ng mahigit ₱4.2 milyong piso.
Ayon kay CIDG Director, Police Maj. Gen. Robert Alexander Morico II, nahaharap ang suspek na kinilalang si “Jin” sa kasong paglabag sa Intellectual Property Code at Food and Drug Administration Act dahil sa pagbebenta ng pinekeng proudukto.
Katuwang ng CIDG, ani Morico, ang FDA na nagpapatupad ng zero-tolerance policy laban sa mga pineke at hindi rehistradong produkto na ibinebenta sa merkado.

